Apat na taon ako nang matutong bumasa dahil sa tiyaga ni Nanay na magturo. Ginawa niyang laro ang pag-aaral naming magkakapatid sa bahay para maging masaya. Madalas ay may pa-contest siya. May premyo sa unang makasasagot sa tanong niya o maunang makatapos sa ipinagagawa niya.
Tinuruan akong bumilang ni Nanay sa pamamagitan ng pagbibilang ng mga manok sa likod ng bahay, mga baboy, ibon at pagong na alaga namin, mga halaman sa paligid ng bahay, mga baso at pinggan, mga damit na kanyang nilabhan at sinampay. Naaalala ko pa, tuwing naglalaba siya, binibilang ko kung ilan ang shorts, ilan ang underwear, ilan ang T-shirt at ilan ang pantalon. Kung magpapalit siya ng balot ng mga unan, binibilang ko rin ‘yun. Nung minsan ay pinabilang niya sa akin ang mga tutubi na nasa may halamanan. Hindi ko nagawang bilangin dahil mabilis sila kung lumipad. Okey lang iyon kay Nanay. Ang sabi niya, minsan may mga bagay na gusto kong gawin pero hindi ko magagawa. Huwag ko raw ikalulungkot kapag ganun. Sa halip ay pagsikapan ko sa susunod na pagkakataon.