Apat na taon ako nang matutong bumasa dahil sa tiyaga ni Nanay na magturo. Ginawa niyang laro ang pag-aaral naming magkakapatid sa bahay para maging masaya. Madalas ay may pa-contest siya. May premyo sa unang makasasagot sa tanong niya o maunang makatapos sa ipinagagawa niya.
Tinuruan akong bumilang ni Nanay sa pamamagitan ng pagbibilang ng mga manok sa likod ng bahay, mga baboy, ibon at pagong na alaga namin, mga halaman sa paligid ng bahay, mga baso at pinggan, mga damit na kanyang nilabhan at sinampay. Naaalala ko pa, tuwing naglalaba siya, binibilang ko kung ilan ang shorts, ilan ang underwear, ilan ang T-shirt at ilan ang pantalon. Kung magpapalit siya ng balot ng mga unan, binibilang ko rin ‘yun. Nung minsan ay pinabilang niya sa akin ang mga tutubi na nasa may halamanan. Hindi ko nagawang bilangin dahil mabilis sila kung lumipad. Okey lang iyon kay Nanay. Ang sabi niya, minsan may mga bagay na gusto kong gawin pero hindi ko magagawa. Huwag ko raw ikalulungkot kapag ganun. Sa halip ay pagsikapan ko sa susunod na pagkakataon.
Bago ako pumasok ay marunong na akong bumasa, bumilang hanggang 100 at sumulat sa English at Filipino dahil sa tiyaga ni Nanay. Marunong na ako ng addition, subtraction at kaunting multiplication at division.
Nang maging anim na taon na ako (Abril ang kaarawan ko. Pagdating ng Hunyo ay pasukan na) ay ipinasok ako nina Nanay at Tatay sa paaralan bilang saling-pusa lamang sapagkat ayaw akong tanggapin bilang regular na mag-aaral. Noong panahong iyon kasi ay mga batang pitong gulang lamang ang tinatanggap bilang Grade One.
Patuloy akong tinulungan ni Nanay sa mga aralin ko. Hindi ko naramdaman na saling-pusa lang ako sa paaralan. Madali kong natututuhan ang mga aralin (ahem..ahem..pahintulutan niyo po akong magyabang ^__^) dahil kay Nanay. Itinuro niya sa akin kung paano mag-enjoy habang nag-aaral. Kaya sa pagtatapos ng pasukan, ako na saling-pusa lamang noong una ang nanguna sa klase namin (ahem..ahem uli..hehehehe).
Maniniwala ba kayo na lahat ng mga papel ko sa unang taon ko sa paaralan ay naitago ni Nanay? Nasa akin ang mga papel na iyon sa kasakuyan, naka-compile sa tatlong clearbook. Nagkwenta ako: kung 1981 ako nag-Grade One, ilang taon na ngayon ang mga papel na iyon? Opo, sa taong ito ay magiging 25 years old na ang mga papel ko sa Grade One! Nakakatuwa, ano po? Silver anniversary na po ng mga papel ko.
Susulat ako ng isang hiwalay na blog tungkol sa mga papel ko noong Grade One. Kukunan ko rin ng picture ang ilang mga pahina pati na ang buong compilation para makita rin ninyo. Kapag nakikita ko ang mga papel na iyon, palagi kong naaalala si Nanay. Bumabalik ang mga araw na tinuruan niya ako sa aking mga aralin.
Salamat, Nanay!
hurray kay nanay! may 14 ba talaga ang mother's day? hehe
Posted by dazeee at May 10, 2006, 9:48 pm