Tinungo ko ang Makati Skyline sa World Trade Center noong gabi ng parangal para sa mga aklat. Maraming tao. Inisip ko kung sino ang aakyat sa stage para kunin ang award kung sakali mang palarin (hindi naman masamang mangarap hehehe
). Wala kasi si Mamang Manunulat at hindi rin nakapunta si Binibining Ilustrador.
Una kong naisip si Kuya Alfred (kasama ko siyang nagpunta dahil nominado rin ang kanyang proyektong Ciudad Murada sa Travel Category). Tama, siya nga ang pwedeng umakyat sa entablado para tanggapin ang tropeo kung sakali. Pero paano kung tumanggi si Kuya Alfred? Naku, mukhang wala nang ibang choice kundi ang hindi handang si ako hehehe.
Napansin ko lahat ng winner ay pinagsasalita sa entablado. Napansin ko rin na kapag ang aklat na may gantimpala ay nakasulat sa English, English din ang sinasabi ng tumatanggap ng tropeo at kapag nakasulat naman sa Filipino ang aklat ay Filipino naman ang sinasabi ng awardee. Hmmnn…kung sakali, ano kaya ang sasabihin ko? Habang tinatawag ang mga winner sa ibang kategorya, naglalaro ang utak ko. Sabi dati ng propesor ko noon, sa mga ganung pagkakataon daw dapat maikli lang ang sinasabi ngunit may laman, at naniwala naman ako.
Naghanda ang isip ko ng isang maikling speech, something like Sa ngalan po ng manunulat na si Ginoong Evasco at ilustrador na si Binibining Alcaraz, ikinalulugod ko pong tanggapin ang karangalan na ito. Hindi po sila makararating ngunit ipinaaabot nila ang pasasalamat sa bumubuo ng 2006 National Book Awards. Ang karangalan pong ito ay magsisilbing inspirasyon sa amin na nagsisimula pa lamang sa larangan ng paglalathala at paglilimbag ng mga aklat-pambata. Tama na siguro ang ganun.
At nang nasa children's book category na nga, inisa-isa munang sabihin ang titulo ng tatlong aklat na nakapasok sa finals. At ang nagwagi……….sabi ng presentor. Pumikit ako. Kahit walang drumroll parang may naririnig ako. Nang sabihin ng presentor ang nanalong aklat, parang hindi ko na narinig ang kumpletong titulo nito pero sigurado akong hindi yun Baha!. Opo, hindi po nanalo ang Baha! Pero ganun pa man, masaya na rin ako dahil nga napasali ito bilang finalist.
Dumako na ang presentor sa Travel Category. And the winner is……… CIUDAD MURADA! Yeeeey! Nakita kong umakyat ng entablado ang author na si Ginoong Torres. Kumuha naman ng larawan si Kuya Alfred. Ang saya!
Habang papalabas ng Makati Skyline, magaan ng pakiramdam ko. Napangiti ako kasi sa wakas natapos na rin ang gabing hinihintay namin. Inisip ko, simula bukas pagbubutihin at dadamihan ko pa ang mga proyekto kong aklat-pambata kasi sasali uli kami next year! (Malakas ang fighting spirit ko eh hehehe)