araw-araw ay tumutulay ako—
minsan, sa gahiblang pag-asa;
minsan naman ay sa makapal na tali
ng pagbabakasakali
kapag ang tuhod ay hapo na
sa maghapong pagtulay,
tinutukuran ko ito
ng nilubid kong mga alaala mo
wari ay sapat na iyon
upang dahan-dahan ay marating ko ang dako pa roon
kung saan matatagpuan kong muli
ang Pag-asa na minsan ay maramot ngumiti.
bukas, sa panibagong pakikipagsapalaran ko
sana ay samahan uli ako ng mga alaala mo.
(ang abang tula na ito ay para sa 'yo, prinsipe na mahal ng lamok)