Sa ngalan ng kaunting barya'y pasabit-sabit ka
Basahan sa kamay ay pansin kong marumi na
Hindi maiwasan na aking ikumpara
Sa damit mong punit-punit at basahan na tela
Sa munti mong bisig ako ay napako
Tila walang kisig, pulos balat, buto
Sa aking namasdan ay naitanong ko,
"Nasaan na kaya mga magulang mo?"
Sila kaya'y nasa isang pasugalan
O kaya naman ay sa bisyong inuman?
Pag-uwi mo kaya sa inyong tahanan
Sasalubungin ka't ikaw ay hahagkan?
Lansangan na itong iyong palaruan
Lansangan na nga rin nagisnang tahanan
Ang hinahamak mo ay kapanganiban
Bisig at buhay mo ang iyong puhunan
Ang inililimos sa iyong munting palad
Pagdating sa bahay nauubos agad
Nino? Hindi ba't ng amang sa bisyo ay sagad
At ng iyong inang sa sugalan babad?
Alam kaya nilang sa bawat akyat mo
Sa dyip, ang kapalit ay murang buhay mo?
Sinubok ba nilang iahon ka, iho,
Sa sadlak na palad na katatalian mo?
Bagay pa nga kayang tawaging magulang
Silang sa lakas mo ay nakikinabang?
Bagay bang ama't ina ang turing sa kanila
Silang sa tungkulin ay nangagpabaya?
Nasaan na silang dapat na magpala?
Nasaan na silang dapat kumalinga?
Pansin kaya nilang buto't balat ka na
At kulay papel na ang impis mong mukha?
Kung saan kukunin ang iyong pagkain
Ni hindi nga dapat na iyong isipin
Di ko maiwasan na aking tanungin
Katungkulan mo bang sarili'y buhayin?
Sa anghel na mukha'y nakakubli ang pighati
Sa pagbaba ay ngumiti, isang dasal aking sukli;
Sa dasal ko na tinuran kung ang langit ay mabingi
Ay para kong nilunggating ang uwak ay maging puti.
(Hindi po ako manunula, hindi po ako kawal ni Balagtas. Naisipan ko lang igawa ng simpleng tula ang bata batuta na umakyat sa sinasakyan kong dyip kanina at nagpunas ng sapatos ng mga pasahero kapalit ng kaunting barya.)